Wednesday, July 26, 2017

Malalim Ang Gabi


Malalim ang gabi
Malakas ang bugso ng hangin
Pumapatak ang ulan
Malamig

Tulog na ang karamihan sa nayon
Kasama ko ang huni ng hangin
Humahampas na parang alon
Parang tugon sa mga panalangin

Kasama ko ang tuko
Na sa punong mangga’y nakatungko
Mga alagang pusa
Na kaysarap tingnan pag namamahinga

Ang isip ay aligaga
Sa dami ng aking nakikita
Sa dami ng aking mga isipin
Nangagamba ang damdamin

Marahil ay tanggap ko na
Hindi ko na nga alintana
Itong sakit ng pag-iisip
Utak ko’y naninikip

May lungkot na nadarama
Pakiramdam ko’y mabigat twina
Samu’t saring isipin
Pagpasok sa diwa’y sabay-sabay pa man din

Tila mahirap ipaliwanag
Sa mga taong hindi makapaniwala
O hindi maaninag
Itong sakit na dinadala

Mahaba-habang panahon
Ang pagdadala ng depresyon
Ang sumusumpong na pagkabahala
Nagsusumamong wag na sanang lumala

Paikot-ikot at paulit-ulit
Parang batang makulit
Unti-unting binabalot
Ng hindi maintindihang lungkot

Tanging dasal na sana ay gumaling
Maka-ahon at sigla’y bumalik
Manumbalik sa mga mata ang ningning
Sa pangmatagalang kasiyahan ako’y sabik

Nasaan na nga ba ang dating ako
Na walang takot na sinisino
Walang masamang naiisip ni isa
Bihirang mabalisa

Heto ngayon at nagsusulat
Panglaban sa lungkot at puyat
Dapat nang matulog at sa sarili’y sinasabi
Malalim na ang gabi

No comments:

Post a Comment